1. BILANG ESTUDYANTE NG KURSONG PAGTUTURO, ANO ANG
IYONG MAGAGAWA UPANG UMUNLAD ANG ATING EKONOMIYA?
Mark Joey C. Tombon/BSED-English
Kriminalidad, kalamidad, kahirapan at kakulangan ng edukasyon, ilan lamang ito sa mga aspetong pumapaibabaw sa
ating lipunan sa kasalukuyan.
Imbes na umusad ay tila lalong nahuhulog ang ating bansa, imbes na umunlad ay tila lalo itong sumasadsad sa lupa na
pinapagitnaan pa ng masidhing pagkukumahog at pagdidildil ng asin.
At bago ako magpatuloy sa aking talumpati, hayaan ninyong batiin ko kayo ng isang “Magandang Umaga”.
Bilang parte ng mahigit sa 84,664,743 na taong na bumubuo at nagpapalobo ng populasyon ng pilipinas, hindi ko
mapigilang mapaisip ukol sa mga bagay na posibleng humila sa ekonomiya ng pilipinas pababa at mga posibleng
hakbang upang umangat ang bansa sa hinaharap, ngunit hindi ko rin mapaigilang magtanong ulit, “posible pa kayang
umangat ang ating ekonomiya?” Imposible… ngunit maaaring maging posible kung ating pagsisikapan na iangat ito.
Isa lang ang aking nakikitang paraan upang pumalo ang pag angat ng ekonomiya ng bansa sa naaayon nitong
porsyento. Edukasyon… iba parin kapag ang ginawa mong panangga sa nakababahalang banta ng kahirapan ay ang
mismong kaalaman na iyong natutunan sa paaralan. Ito marahil ay matuturing na pamprotekta sa maaaring idulot ng
kahirapansa mga nagpupursiging estudyanteng katulad natin at ito na marahil ang matuturo kong dahilan kung bakit ang
kursong pagtuturo ang ang aking napili. Kaakibat ng desisyong ito ang panatang tumugon sa responsibilidad na
nakaatang sa aking mga balikat at ito ay ang responsibilidad na ipalaganap ang kalidad ng edukasyon sa bawat isa.
Alam kong hindi pa ako isang lisensyadong guro upang ilahad ang aking mga dapat na gagawin sapagkat ako ay
nagsisimula pa lamang, ngunit mas mabuti na ang maghanda kaysa malito pagdating ng panahon.
Sa tinatayang 95% na literacy rate ng ating bansa, maaari nating sabihing “Haaay, Salamat!” ngunit sa tinatayang datos
na ngsasaad ng bilang ng mga estudyante sa pilipinas na 19,287,630 ay tuwiran nating makikita ang agwat nito kumpara
sa pangkalahatang bilang ng populasyon sa pilipinas, ibig sabihin ay maraming mga pilipino ang nagkukumahog at
nagtitiis dahil sa hindi nakapag-aral. Ang tanong, “Uunlad kaya tayo sa ganitong estado?”
Ang bilang ng mga gurong nagtuturo sa pilipinas ay mahigit kumulang sa 453,120 lamang na nagtuturo sa 62,588 na
eskwelahan sa buong bansa. Ibig sabihin lamang nito na mayroon paring pagkukulang ang sistema ng edukasyon sa
bansa at ang maituturong ugat nito ay ang kahirapan mismo na ang resulta ay kakulangan ng pondo. Kung wala nga
namang pera ay hindi masusuplayan ang pangunahing pangangailangan sa edukasyonat kahit ang mga simpleng
pagpapatayo ng classrooms at pagbili ng mga libro ay mananatili na lamang imposible na matugunan. Sinasabi ring
hindi ang quantity ng edukasyon ang dapat na ating pagtuunan kundi ang mismong quality nito.
Ang mga paniniwala’t pananaw na ito ang aking isusulong sa kasalukuyan at pagdating ng panahon, kasama ang mga
taong mayroon ding layunin na makatulong sa pag-angat ng ating bansa. Naniniwala ako na dapat ay ang purong kilos
ang gawin ng ating gobyerno at hindi lamang puro pakiusap. Naniniwala ako na sa estado ko ngayon bilang mag-aaral
pa lamang ng kursong pagtuturo ay hindi pa sapat ang aking kontribusyon kaya’t pagbubutihin ko na lamang ang pag-
aaral sa aking kurso nang sa ganoon ay magampanan ko ito ng maayos at mahusay pagdating ng araw, at sa ganitong
paraan ay nakasisiguro ako ng mas malaki-laking kontribusyon.
Alam ko rin na balang araw ay may magagawa ako gamit ang aking propesyon, hindi lamang ako ang tutulong sa ating
bansa na umangat kundi pati narin ang mga estudyanteng aking matuturuan. Sa ganitong paraan ay sabay sabay
naming sasalubungin ang maunlad na estado ng pilipinas, malaya sa komplikasyon at malayang-malaya sa anyo ng
kahirapan.
Muli, magandang umaga sa inyong lahat at maraming saamat!