1. FILIPINO: WIKA NG KARUNUNGAN
ni Pat V. Villafuerte
kaytaas ng lambak, burol at bundok na nilalandas ng ating mga kababayan
mula sa kaitaasan, ibinababa ang paningin
upang masilayan ang ganda ng kalikasan
kayrami ng taniman, karagatan at kagubatang kinukuhanan ng pag-agdong-buhay,
panlunas sa sikmurang kumakalam-kalam
kaylawak ng dagat na namamagitan sa mga isla ng ating kapuluan
nilalangoy, mula puno hanggang dulo, mula doon hanggang dito
kayyaman ng kulturang pinayaman ng ating mga ninuno,
sinamba ng dating henerasyon, sinusunod ng mga bagong sibol
kayrami ng wikang lumaganap at pinalalaganap sa bawat pulo, sa bawat distrito,
sa bawat lungsod, sa bawat rehiyon
wikang pinayayaman, pinayayabong, pinauunlad panghabang panahon.
kung ang alinmang wika’y instrumento sa mabisang pakikipagtalastasan
kung ang alinmang wika’y susi sa mabuting pakikipag-ugnayan at pagkakaunawaan
kung ang alinmang wika’y tugon sa pambansang kaisahan at kaunlaran
mas naisin nating gamitin ang wikang sinusuyo ’t minamahal,
ang wikang filipino
wikang panlahat na tatanglaw sa aking dinaraanan
upang hindi tayo mangamba
upang hindi tayo matakot
upang hindi tayo maligaw
ito ang wikang filipino
ang wika ng karunungan.
isang wikang ilaw na tatanglaw sa ating mga mithiin at pangarap,
sa maraming pagbabago na ating iniisip at ibinabalangkas
isang wikang lakas sa ating mga kilos at galaw
na lulunas sa kahirapan, kagutuman, kamangmangan, katiwalian
at kawalan ng katarungan
isang wikang panlahat sa nagsusulong sa maraming pagbabago
sa lipunan at sa bayan
sa bayan at sa lipunan
upang maghari ang kaisahan, katarungan, kalayaan, kadakilaan at pagkakapantay-pantay
para sa pambansang kamalayan, pagkakapatiran, pag-uugnayan, kasarinlan at kaunlaran.
Filipino, ang wika ng karunungan
ang wikang panlahat
nakaugat sa pambansang pagkakakilanlan
nakaangat sa politika at lipunan
2. Filipino, ang wika ng karunungan
ang wikang panlahat
nakapanday sa kultura’t kasaysayan
nakahubog sa dangal ng bayan
nakalantad sa kalakasan at katagumpayan.
Filipino, ang wika ng karunungan
ang wikang panlahat
na kumikilala sa anumang edad, lahi at kasarian
anumang antas ng pamumuhay
anumang pananalig na kinaaaniban
anumang politikang kinabibilangan
anumang antas ng karunungan
walang pagkiling
walang pag-ayaw
tanggap ng mga mamamayang
may respeto’t integridad
may puri at dangal
tanggap ng lahi
tanggap ng bayan.
Filipino, ang wika ng karunungan
ang wikang panlahat –
wikang pambansa
wikang opsyonal
wikang akademiko
wikang pampanitikan
wikang bilinggwal
wikang multilingguwal
wikang mother tongue
wikang dayalekto
wikang kolokyal
wikang balbal
unang wika?
pangalawang wika?
lingua francang may handog-yaman.
Filipino, ang wika ng karunungan
ang wikang panlahat
ilaw at lakas
sa pagtuklas ng agham
sa paggalugad ng kasaysayan
sa paghanap ng bilang
sa paghubog ng gawi at asal
sa pagpuri sa sining, awit at sayaw
3. sa paghatid ng komunikasyong berbal at di berbal
sa paglaganap ng makrong kasanayan.
Filipino, ang wika ng karunungan
ang wikang panlahat
sa panahon ng pagbabago sa politikang nakagisnan
sa panahong itinatakwil at itinataboy ang bisyo’t kasamaan
sa panahong may parusa ang mga nangulimbat sa bayan
sa panahong sa atin ang inaangking mayamang karagatan
para sa atin ang dikreto
para sa atin ang batas
para sa atin ang pandaigdigang kahatulan.
Filipino, ang wika ng karunungan
ang wikang panlahat
sa panahong ang hinihingi’y pambansang pagbabago
filipino ang uungos sa larangang pangkabuhayan
filipino ang aangat sa larangang panteknolohiya’t pang-agham
filipino ang lalawig sa larangang kultural at kasaysayan
filipino ang tutugon sa minimithing kalayaan at katarungan
upang palawakin ang minimithing pambansang kaunlaran.