MGA KALANSAY SA BAUL NG KASAYSAYAN is an essay piece that aims to enlighten the minds of the youths and to relate history from the present. This placed 2nd in the Division of Pampanga "BONIFACIO: ANG UNANG PANGULO ESSAY WRITING CONTEST."
1. Mga Kalansay sa Baul ng Kasaysayan
Ni: Julián Rikki C. Reyes
Bonifacio: Ang Unang Pangulo Essay Contestant
2nd Place in Division of Pampanga
Mga Kalansay sa Baul ng Kasaysayan
Tatlong daang taong tayo ay sinakop, pinasunod at inalipin sa ating sariling lupa. Tatlong
daang taon na pinahirapan at inalipusta ng mga dayo sa harapan ng ating mga kababayan.
Hanggang sa may taong naglakas loob na tumayo bilang pinuno at labanan ang mga hindi maka-
taong pamamalakad at gawain na ito.
Kilala bilang ama ng Rebolusyong Pilipino, siya rin ang sumisimbolo sa isang tunay na
Pilipino, matapang at handang ipaglaban ang lupang tinubuan kapalit man ay ang dugong
nananalaytay sa buong katawan. Isinilang sa Tondo, Maynila noong ika-30 ng Nobyembre, 1863.
Panganay sa mga anim na supling nina Santiago Bonifacio at Catalina de Castro. Si Andrés
Bonifacio y de Castro ay maagang namulat sa tunay na kalagayan at hirap ng buhay sa mundo
kaya’t siya ay nagsumikap hanggang... maging Supremo ng Kataas-taasan, Kagalang-galangang
Katipunan ng Anak ng Bayan (KKK) at naging unang Pangulo ng Pilipinas?
Matagal ng katanungan ito sa maraming Pilipino, kung si Bonifacio nga ba at hindi si
Emilio Aguinaldo ang dapat na ituring bilang unang Pangulo ng ating bansa, pero sa kanilang
dalawa, sino nga ba?
Ako’y binhing hindi pa sumibol sa panahon nina Bonifacio at Aguinaldo at ng mga
Español, pero bilang isang kabataan sa kasalukuyan, nararapat lamang na maging mulat ako at
2. maki-alam sa mga tunay na naganap at nang maitama ang mga maling aking nakagisnan.
Mahirap mabuhay sa kasalukuyan, lalo na sa hinaharap, kung ang iyong nakaraan ay marumi.
“Itinuturo ng katwiran na wala tayong iba pang maaantay kung hindi lalu't lalong
kataksilan.”
Magpakatotoo tayo, aminin man natin o hindi, likas na sa pamahalaan ng Pilipinas ang
magkaroon ng mga bahid itim, halimbawa ay ang dayaan sa halalan at korupsyon. Ito marahil
ang namana natin sa simula pa lang sapagkat ang kinikilala nating unang Presidente na si
Aguinaldo ay nagwagi gamit ang pamamaraan na ito. Papaano?
Ano nga ba ang tunay na kwento sa likod ng pagkapanalo ni Aguinaldo bilang Pangulo
ng Pilipinas? Ang Kumbensyon sa Tejeros (Tejeros Convention) o ang Kataksilan sa Tejeros
noong ika-22 ng Marso, 1897 ang sinasabing naging ugat at puno’t dulo ng lahat ng mga
masasakit at malulungkot na mga pangyayari.
Sa pagpupulong na ito, nagkaroon ng mga mainitang pagtatalo sa pagitan ng mga pangkat
Magdalo (ni Emilio Aguinaldo) at ng mga Magdiwang (ni Andres Bonifacio) at dahil sa Cavite
ito naganap, sa balwarte ni Aguinaldo at sa teritoryo ng mga Magdalo, madaling nadoktoran ang
resulta. Si Aguinaldo ang hinirang na Pangulo habang naging Kalihim sa Digma (Director of
Interior) lamang si Bonifacio.
“Itinuturo din ng katwiran na wala tayong iba pang maaantay kung hindi lalu't lalong
kaalipustaan.”
Sinubukang galangin ni Bonifacio ang naging resulta ngunit… lalong naging mainit ang
mga sumunod na pangyayari na animo ay bumagsak ang araw dito sa mundo nang insultuhin ni
3. Daniel Tirona, kasapi ng Magdalo at siya ring may pakana ng pandaraya, ang lider ng Katipunan
na si Bonifacio.
“Hindi maaaring hawakan ng hindi nakapagtapos ng abogasya ang posisyong ito
(Kalihim sa Digma). Alam naman nating lahat na si Andrés Bonifacio ay hindi nakapagtapos,
ano sa tingin ninyo, magagampanan ba ito ng isang taong walang pinag-aralan?” mga katagang
inilabas ni Tirona sa kanyang bibig na siyang ikinagalit at dinamdam ng Supremo ng Katipunan.
Talaga namang hindi makatarungan at isang paglabag sa naaayon ang ginawa ni Tirona,
lalo na’t nagkaroon sila ng kasunduan na igagalang ng lahat ang magiging resulta. Kunsabagay,
masakit talaga ang sabihan ka ng gayong mga salita tungkol sa iyong pagkatao na tila ba’y
katumbas nito ay pagtusok ng maraming tinik sa dibdib at pagdurog sa iyong buong katawan.
Kung sa iyo gawin iyon, siguradong sigurado na hindi ka mag dadalawang isip gawin ang
muntik nang ginawa ni Bonifacio.
Ayon sa isang kabanata sa nobelang Noli Me Tangere na isinulat ng naging idolo ni
Bonifacio na si Dr. Jose P. Rizal, “Walang lihim ang hindi mabubunyag…” Anumang paraan ng
pagtatago ang iyong gawin, lalabas at lalabas pa rin ang katotohanan at may makaka-alam ng
lahat.
Halatang-halata at kitang-kita ang anumalyang isinagawa ng mga alagad ni Aguinaldo.
Ito ang pinatunayan ni Heneral Artemio Ricarte, na ang halalan sa Tejeros ay “marumi at
pandaraya” at “hindi naaayon sa tunay na hangarin ng sambayanang Pilipino.” Ibig sabihin nito,
hindi si Aguinaldo ang tunay na unang Pangulo ng Pilipinas.
Lalo pang lumitaw ang pandarayang isinagawa nina Aguinaldo nang ipinag-utos niya ang
pagpatay sa taong nais lamang ay magkaroon ng malaya at nagkaka-isang pamahalaan ang
4. Pilipinas at lumaya sa kamay ng España na si Bonifacio, kasama ang kanyang kapatid na si
Procopio. Naganap ang pagpatay sa Bundok ng Maragondon noong ika-10 ng Mayo, 1897.
Napakasakit isipin na kulang ang mga dokumentong nakasulat sa mga libro patungkol
kay Bonifacio, pero mas masakit ang patuloy na pagpatay sa ating mga bayani, ang pagsasa-
walang halaga sa kanilang mga ipinaglaban.
Buhay ang inialay ni Andrés Bonifacio, upang ipaglaban ang kalayaan ng Pilipinas, pero
tayo, ano na ang nagawa natin? Ano kaya ang maaari nating gawin para sa Inang Bayan?
Nakakalungkot ngang isipin na hanggang ngayon ay taglay pa rin ng pamahalaang
Pilipino ang katangiang pagiging mandaraya’t ma-anumalya at kawalan ng katarungan. Ngunit
nawa’y palitan na natin ito ng panibagong ideolohiya, panibagong pamamaraan na minsan ay
ipinaglaban ni Gat. Bonifacio.
Kaya ba nating ialis at palitan ang mga katangiang ito ng mga Pilipino? Mga katangiang
labag sa mga prinsipyong sinunod at isinabuhay ng mga Katipunero, pati na rin ng mga simpleng
tao.
Hindi man si Bonifacio ang itinuturing na pinaka-unang Pangulo ng lupang ating
inaapakan ngayon, ngunit sana ay gawin natin siyang huwaran, lalo na tayong mga kabataan na
siyang sinasabi ni Rizal na pag asa ng bayan. Hindi natin kailangang magpakarumi para lamang
umunlad, basta’t ipinaglalaban natin ang tama at pumapanig rito, tiyak na makakamit natin ang
mga pagbabagong matagal ng pinapangarap ni Bonifacio at ng iba pang mga Pilipino.
Oras na upang ituwid ang mga baluktot na isinagawa ng iba nating mga ninuno. Tayo ay
sabay-sabay na tumayo at sumaludo sa bayaning kahit anong narinig na pang-aalipusta sa kanya
5. ng mga kapwa niya Pinoy ay hindi pa rin sumuko na ipaglaban ang nararapat para sa kapakanan
ng bayang kanyang tunay na minamahal.
Tayo si Andrés Bonifacio sa kasalukuyang panahon, hindi man kagaya sa paraan ng
kaniyang pakikipaglaban sa mga dayuhan, ngunit sa paraan ng kanyang pakikipaglalaban para sa
mga makatwiran na bagay. Sa atin magsisimula ang bagong mukha ng Pilipinas. Tayong mga
kabataan mismo ang magtatayo sa watawat nito. Mga Pilipinong buo sa isip, sa puso at sa diwa
at mga Pilipinong maglilinis sa bakas ng duming nakagisnan. Ito ang nais ipahatid sa atin ni Gat.
Andrés Bonifacio y de Castro, ang huwarang lider ng mga dukha.
Ito ang mga dahilan kung bakit kinilala siya bilang ama ng Rebolusyong Pilipino at
simbolo ng isang tunay na Pilipino. Dahil na rin sa kanyang angking katapangan at lakas ng loob
upang ipaglaban ang lupang tinubuan kahit kapalit ay ang dugong dumadaloy sa buong katawan.
Mga kapwa ko kabataan ng Republika ng Pilipinas, tayo nang mamulat sa realidad ng buhay.
Magsumikap hanggang sa magdulot ng pagbabago sa Inang Bayan, matuto mula sa mga naging
karanasan ng mga bayaning nag lakas-loob na inialay ang buhay para sa kapakanan ng lahat at
matuto mula sa mga turo ng kasaysayan na siyang pinaka-mabisang paraan upang maitaguyod
ang bagong Pilipinas.