1. Kalayaan Sa Rehas na Bakal
Ni: Liezel Ann M. Aguilar
BSEd 4A- Filipino Major
Sampung taon na ang nakararaan matapos akong hatulan ng Reclusion Perpetua o
Habang Buhay na Pagkabilanggo.Maaaring pinagkaitan ako ng pagmamahal pero kailanman,
hindi ko pinagsisisihan ang aking mga ginawa.
Mula pagkabata, tanging hangad ko na magkaroon magmamahal.Ang magbibigay ngiti sa
tigang kong mga labi.Higit sa lahat, magkaroon ng pamilyang pupuno sa puwang ng aking
buhay.Sa kabutihang palad, lahat ng ito’y sinimulan ni Henaro. Minahal niya ako ng labis sa
kabila ng aking nakaraan.Hindi niya inisip na ako’y produkto ng matitingkad na ilaw sa ilalim ng
makulimlim na gabi. Sinagip niya ako sa impyernong mundo at sa mga taong nagnanasa sa mura
kong katawan.
Ibinahay ako ni Henaro, payak man ang aming pamumuhay punong-puno naman ito ng
pagmamahal. Pingakuan niya ako ng kasal subalit hindi pa raw sa ngayon.Hindi ako
pinapatrabaho ni Henaro, katwiran niya ayaw niya akong
mapagod, hayaan ko na lamang daw siya na mamasada sa gitna
ng matirik na araw. Inintindi ko na lamang iyon, aalagaan ko
na lamang si Henaro at ang aming magiging mga anak.
“Anak? Ano ka ba Elisa, ang hirap hirap ng buhay
ngayon tapos naisipan mo pang magka-anak? Anong ipapakain
mo asin at kanin?”Ito ang hindi ko malilimutang pananambitan
ni Henaro matapos akong magkalakas ng loob na ilahad ang pagnanais na magkasupling.Dahil sa
sitwasyon na iyon,unti-unti kong kinalimutan ang hangarin na magkaroon ng anak.Mahal ko si
Henaro at naniniwala ako na ang aming pag-ibig ang siyang bubuo sa butas ng aming
pagsasama.
Isang araw, naisipan kong mamalengke para sa aming pananghalian.Habang abala ako sa
aking pakikipagtawaran, isang boses ang sumambit sa aking katawagan. “Elisa!”ang wika niya.
Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman. Matuling tumaas ang balahibo sa aking braso. Alam
ko na! Kilala ko ang swabeng tinig na iyon. Oo nga, si Adolfo. Ang dakila kong suki, ang
pinapasaya ko magdamag, ang pinakikinggan ko sa tuwing siya’y litong-lito. Ang unang lalaking
nagpadama sa akin ng tunay na himig ng pagsuyo. Lumingon ako sa aking kinatatayuan. Nakita
kong nananatili pa rin ang tikas ng kanyang katawan na nadadagdagan pa ng mapang-akit na
sunglass at baril. Ramdam namin ang pagkasabik sa isa’t isa, daig pa namin ang mga kabataan sa
mabilis na pagtibok ng puso. Subalit, pinigilan ko ito, sapagkat alam kong magiging kahati
lamang ako sa pag-ibig kay Adolfo. Isa pa, pulis siya at ayokong pinag-uusapan ang aking
pagkatao sa loob ng buong istasyon.Nagkamustahan kami, sa puntong ito inamin niyang may
pagtingin pa rin siya sa akin. Ipinaliwanag kong may katipan na ako.Umalis siya ng nakangiti.
2. Dakong alas diyes na ng umaga nang makarating ako sa bahay. Nabigla ako sa malakas
na sampal na salubong ni Henaro sa pawisan kong mukha.; Sino ang lalaking nasa palengke?
Ikaw babae ka, binigyan lamang kita ng ilang oras na kalayaan tapos mangangaliwa ka lang?
Ang lakas din naman ng loob mo!. Sa gitna ng nag-aapoy nag alit ni Henaro ay wala akong
nagawa. Napipi ang aking pananalita,nanaig ang takot sa aking mga labi sapagkat sa unang
pagkakataon ay sinaktan ako ng itinuturing kong perpektong lalaki sa mundo.
Mula noon ay naging mailap sa akin si Henaro, nagawa niyang pagbantaan ang aking
buhay. Halos hindi ako nakalalabas ng bahay. Tanging mga dingding lamang ang karamay ng
aking mga luha.
Subalit dumating ang pagkakataon na nalaman ko ang katotohanan. Nagkaroon ng daan
para mapagtanto kong mas nadagdagan pa ang aking kasalanan.Isang litrato ng kumpletong
pamilya ang natagpuan ko sa naiwan na folder ni Henaro. Nanghina ang aking mga tuhod.
Inakala kong nakawala na ako sa hawla ng kasalanan subalit hindi pa pala.
Kinagabihan, dumating si Henaro, lasing na lasing ito, Naging matigas ako. Hindi ko siya
inasikaso o pinansin man lang. Nandidiri ako sa kanyang mga hawak.Nasusuka ako sa kanyang
mga halik, Niloko niya ako!
Nairita si Henaro sa aking inasta. Sinatyan niya ako, binugbog. Hinawakan niya ang
mahaba kong buhok at kinaladkad patungong kusina. Pero, nanaig ata ang awa ko sa sarili. Pilit
kong inabot ang patalim na nasa drawer at ng matagumpay kong natamo hindi ko na pinalipas
ang sandali. Lumagablab ang aking galit. Itinanim ko sa kanyang dibdib ang instrumento ng
kamatayan.Bumuhos ang pulang likido. Hinayaan kong nakabulagta ang katawan nito.Matapos
ng pangyayaring yaon ay naging mabilis ang aking pagtahak sa daan. Malamig ang pawis na
tumulo sa aking buong katawan.
Sa wakas, nailabas ko rin ang pighating matagal ko nang kinimkim.Tumigil ako sa
pagtakbo, hirap na hirap ako sa paghinga’t natulala. Hanggang sa narinig ko ang romorondang
mga pulis, papalapit na.. naabutan nila ang aking kinalalatagan.
Alam kong labag sa batas ng Diyos ang aking ginawa. Subalit wala
akong pinagsisisihan. Mahal ko ang akig sarili at hindi ko hahayaang
malagutan ng hininga na pinagkaitan ng kalayaan.Ngayon , heto ako sa
piitan.Nakakulong man akong ituring ngunit dito ako naging tunay na
malaya. Malayo sa mga taong mapagpintas at mapanlamang sa aking
kahinaan
3. Patikim Naman!
Ni: Liezel Ann M. Aguilar
BSEd 4A- Filipino Major
“Tatsulok, ako ay nahulog, nilinlang niloko alam ko na ang sikreto mo”.
Sa tuwing naririnig ko ang linya ng tugtuging ito, hindi ko maiwasang manghinayang sa
kapirasong papel na hinulog ko sa kwadradong lalagyan.
`Nilinlang ako ng mga panahong iyon. Nilinlang ng balat kayong ngiti at pagbati. Mabilis na
nahulog ang loob ko sa kanila. Napa-ibig ng isang sulyap na pagtingin at pagbisita sa munti kong
tahanan. Hindi lumagi sa aking isipan na panay rin pala ang paglagay nila ng konsentradong
alcohol sa malaporselang mga kamay upang mapawi ang mikrobyong mula pa sa kamay ng mga
hindi kilalang nilalang.
Niloko nila ako. Niloko ng mga namumulaklak na pangako buhat sa talumpati.Hanggang
ngayon, hindi ko pa rin napagmamasadan ang mga pinag-usapang plano. Tila bituin sa
kalawakan ang hirap gawing konstelesyon.Dahilan nila, walang sapat na pondo para sa mga
ito.Bakit, wala bang magawang paraan?Sabi nga sa kanta,“ Kung ayaw may dahilan kung gusto
ay laging merong paraan”.Siguro talagang manhid lamang ang kanilang katawan. Papaano ba
naman kasi, nasa trono na, nasa ikatlong palapag na ata. Hindi na magawang kumurba ng mga
labi, tipid lang? Ewan.
Magtatatlong taon na rin ang lumipas.Tuwang-tuwa naman ako sa nakita. Hiyang-hiya
naman ako sa sitwasyon nila. Kinain na ba nila ang gintong kaban ng bayan kaya lumubo ang
tiyan?Malamang busog na busog ang kanilang sikmura sa inihaw na manok at lechong baboy na
ulam samantalang sabaw at buto-buto lamang na mula pa sa basurahan ang laman ng tiyan ng
bawat mamamayan. Marahil hindi nila alam, dahil nagbubulagbulagan at nagbibingibingihan
lamang sila.
Alam kong mas mahalaga ang kumikislap nilang pangalan. Ang pakikipagdebatehan sa
ibang pinuno. Ang ipamalas ang tunay na galing at talino sa loob ng kamara.Ngayon, natitiyak
kong abala na naman ang mga ito sa kantang ipapasikat na kanta upang makapang-akit ng mga
uutuin.
Mulat na ang aking mga mata. Bulgar na ang kanilang lihim. Kailanman, mananatili ang
lamat na sila ang nagbigay ng sugat.
Sa sarap na inyong nilalasap tanong ko lang, pwede bang patikim naman?
4. Aninag ng Bagong Pag-apak
Ni: Liezel Ann M. Aguilar
BSEd 4A- Filipino Major
Nadadama ko na ang ihip ng hangin,
Ang lagaslas ng dahon sa bintang madilim.
Nakikita ko na ang papalapit na liwanag,
Liwanag na papawi sa karimliman ng aking bitag.
Napapawi na ang hapdi sa aking mga daliri
Dulot ng matiyagang paglathala ng sariling binhi.
Bumabalik na ang kasariwaan ng aking isipan,
Na minsa’y naging tigang sa labis na pakikipagsapalaran.
Naibibigay ko na ang katuturan sa huni ng ibon,
Ang sarap ng himig at lirikong baon-baon.
Sumasaklaw na sa mundo kong dati’y pawisan,
Heto’t nagbibigay ng kulay sa obrang karanasan.
Togang pinapangarap, salamin ng paghihirap,
Entabladong tinatanaw, unti-unting malalanghap.
Upang nakahanay, mamamalagi rin minsan,
Makakatapak din sa hagdang kaparis ay palayan.
Maihahandog ko na, ngiti sa aking irog.
Maisasabit ko rin, gintong produktong ikinalulugod.
Rolyong papel, sagisag ng aking pagtahak,
Totoo nga, ito, ang aninag ng bagong pag-apak.