1. SURING –BASA
Proyekto para sa Ikatlong Markahan
Happy Nezza B. Aranjuez 9 - Becquerel
“Pangarap ang simula ng lahat” - Toryo, “Anak ng Lupa”. Tunay na naipakita ni Gng.
Domingo G. Landicho ang mga naidudulot ng pagbabago sa takbo ng lipunan. Ang kuwento man
ay masasasabing naganap sa lumang kapanahunan, naipakita rito ang kadalasang reaksiyon ng
mga mamamayang Pilipino na nasa panahon ng transisyon at pagbabago. Sa unang bahagi ay di
ako gaanong ginanahang basahin ang aklat dahil di ko maunawaan ang mga salitang ginamit,
ngunit hindi ito naging balakid para sa akin dahil ang kuwento ang tunay na umakit ng aking
atensiyon.
Hinango ang nobela sa buhay na kinagisnan sa Barangay Luntal, Taal, Batangas kung
saan likas na sa mga taganayon ang pamumuhay nang nakadepende sa lupa. Hinangad ni
Victorio o Toryo, isang anak ng magsasaka, ang magandang pagbabago na pinaniniwalaan
niyang makakamit at maibibigay niya sa tulong ng pagpapaaral ng kanilang panginoong may-
lupa na si Senyor Martin. Dahil sa pagkakataong ito, nabuhayan ang mga taga-Masulong sa pag-
asang hindi lang pagiging magsasaka ang kasasadlakan nila at hindi lang sila makukulong sa
ugat ng mga lupa. Dulot nang pagpapasiyang isinagawa ni Senyor Martin at Kabesang Ote,
maraming karapatan ng mga taganayon ang naalipusta; naging sanhi ng pagbagsak ng buong
Masulong ang pangakong pag-unlad. Nang tinahak na ni Toryo ang landas na itinalaga sa kaniya
marami siyang naranasang sakripisyo at mabigat na mga pagsubok; namatay ang kaniyang ama
habang siya’y wala at napilitan siyang palayain ang iniibig niyang si Bining. Nagbago ang ihip
nang hangin nang napag-alaman ni Senyor Martin na nakiisa si Toryo sa unyong itinayo ng mga
manggagawa sa kaniyang pabrika upang batikusin ang pang-aalipusta at kawalang katarungan
niya sa pamamahala. Napukaw ang damdaming makabayan ni Toryo, natuto siyang ipaglaban
ang pinaninindigan niyang tama at nararapat, dala-dala sa isipan na ang pangarap ang isa sa
pundasyon ng tagumpay ngunit ang maling pagkilos tungo rito ang magpapabagsak sa isang tao
o maaaring isang bayan.
2. Kung susuriing mabuti ang akda mababatid nating ang tagpuan na ito ay maiuugnay pa
rin sa kasalukuyang panahon, kung saan maraming tao ang naghahangad ng pagbabago sa
pagpapatakbo ng pamahalaan ngunit nagpapabulag naman tayo sa mga pangakong hindi naman
natin natatamasa. Naging mahalagang paksa rin ng nobela ang pag-iibigan nina Toryo, Bining,
Oyo, Karen at Ligaya. Naging sawi man si Toryo sa pagiging katipan ni Bining at kahit sinukuan
niya si Karen, nang piliin niyang unahin ang magandang trabahong inaasahan ng kaniyang ama,
ay naging maligaya pa rin siya sa piling ni Ligaya at ganoon din si Bining kay Oyo.
Ang mga taga-Makulong ang sumisimbolo sa mga mamamayang Pilipino sa
kasalukuyan na kinakapitan ang pag-asang pagbabago na itinatago naman sa ilusyon ng mga
panginoong may-lupa o ng mga nasa gobyerno. Isa namang mahalagang elemento si Ka Tulume,
ang albularyong tutol sa mga pagbabagong inihatid nila Senyor Martin. Siya ay maihahalintulad
sa mga taong hinubog at sinubok ng panahon, na laging ipinaaalala ang matibay na pagkapit sa
pinag-ugatan nating lupa o sa kinagisnan nating pamumuhay. Isinalaysay ang kuwento sa
dalawang magkaibang tagpuan upang ipaunawa sa mambabasa ang pagkakaiba at pagkakatulad
ng buhay sa lungsod at sa nayon. Naging maayos ang transisyon ng mga pangyayari dahil sa
malinaw na pagkakaugnay-ugnay ng mga pangyayari. Nagsimula ang kuwento sa paglalahad ng
karaniwang pamumuhay sa kanilang lugar at nagwakas naman ito sa pagpili ni Toryo na
ipagpatuloy ang patuligsa sa pang-aabuso ng pamahalaan.
Kung iyong babasahin ang akda, tunay na maaanod ka sa ilog ng maraming emosyon.
Naging mahusay ang paghalina ni G. Landicho sa atin na maging kabahagi ng kwento. Tunay na
kapana-panabik ang susunod na mga pangyayari dahil sa maayos na daloy ng istorya. Kahit na di
mo maunawaan ang ibang salita rito ay mawawatasan mo pa rin ang bawat pangyayari dulot ng
konkretong pagpapahayag ng mga kaganapan.
Dahil sa aklat na ito marami akong natututunan sa kulturang at kaugaliang Pilipino. Kaya
kung isa kang dayuhan na nag-aasam na maging Pilipino subukan mong pagtiyagaang unawain
ang aklat na ito dahil taglay niya ang mga tradisyon na ngayon ay di mo na makikita. Mahalaga
na mabasa ito hindi lang ng kabataan ngayon kundi lahat ng mamamayang Pilipinong nakalimot
na sa ating kinagisnang kultura. At sigurado ako na mapupukaw ang pagkamakabayan ninyo.